Sunday, May 18, 2014

Paglalayag sa Puso ng Isang Bata

Binata na siya marahil ngayon. O baka ama na ng isang mag-anak. Ito ay kung nakaligtas siya sa nakaraang digmaan…nguni’t ayaw kong isiping baka hindi. Sa akin, siya’y hindi magiging isang binatang di-kilala, isang ama, o isang alaala kaya ng Bataan. Sa akin, siya’y mananatiling isang batang lalaking may kaliitan, may-kaitiman at may walong taong gulang.

Pagkaraan ng daan-daang tinuruan, mga sumipot, nanatiling saglit, at lumisan pagkatapos, pagkaraan ng mga taong ang ila’y nagdumali, ang ila’y nagmabagal at ang ila’y nakintal sa gunita, buhay na buhay pa sa aking isipan ang kaniyang mukha at ang kaniyang pangalan. Nguni’t ang buhay sa lahat ay ang isang bagay na itinuro niya sa akin, isang araw, nang siya ang aking maging guro, at ako ang kanyang tinuruan.
Isa siya sa pinakamaliliit sa klase. At isa rin sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tingnan lamang iyo’y mahahabag na sa kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon siyang kakatuwang “punto” na nagpapakilalang siya’y taga-ibang pook.

Nguni’t may isang bagay na kaibig-ibig sa munti’t pangit na batang ito, kahit sa simula pa lamang. Nagpapaiwan siya tuwing hapon kahit hindi na siya hilingan nang gayon. Tumutulong siya sa mga tagalinis at siya ang pinakamasipag sa lahat. Siya rin ang pinakahuling umaalis: naglilibot muna sa buong silid upang pulutin ang mga naiiwang panlinis. Lihim ko siyang pinamamasdan habang inaayos niya ang mga ito sa lalagyan, ipinipinid, at pagkatapos ay magtutungo sa likod ng mga hanay ng upuan upang tingnan kung tuwid ang bawa’t isa. At sa pintuan, lagi siyang lumilingon sa pagsasabi ng, “Goodbye, Teacher!”

Sa simula, pinagtakhan ko ang kaniyang pagiging mahihiyain. Nakikita ko siyang gumagawa nang tahimik at nag-iisa—umiiwas sa iba. Paminsan-minsa’y nahuhuli ko siyang sumusulyap sa akin upang bawiin lamang agad ang kanyang paningin. Habang tinatanaw ko siya tuwing hapon, pinakahuli sa kaniyang mga kasamahan, ay naiisip kong alam na alam niya ang kaniyang kapangitan, ang kakatuwang paraan ng kanyang pagsasalita.

Unti-unti kong napagdugtung-dugtong ang mga katotohanan tungkol sa kanyang buhay. Payak ang mga katotohanan: siya’y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas sa malaking lungsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa paaralan upang may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang anak ng kanyang panginoon.

Isang mabagal na paraan: ang pag-akit na iyon sa kaniya at ang pagtiyak na siya’y mahalaga at sa kaniya’y may nagmamahal. Napasuot na siya sa mga kaguluhang bahagi ng buhay ng bawa’t bata. Nanukso na siya sa mga batang babae. Lalo siyang naging malapit sa akin. Lalo siyang naging maalala at mapagmahal. Maligaya na siya.

Isang araw, nangyari ang hindi inaasahan. Sa paglingon ko sa mga taong nagdaa’y naaamin ko sa sariling ang lahat nang iyo’y aking kasalanan. Mainit noon ang aking ulo,umagang-umaga pa. At ang hindi dapat gawin ay aking ginawa— napatangay ako sa bugso ng damdamin. Hindi ko na magunita ngayon kung ano ang ginawa ng batang iyon na aking ikinagalit. Ang nagugunita ko lamang ngayon ay ang matindi kong galit sa kanya, ang pagsasalita ko sa kaniyang ipinanliit niya sa kanyang upuan. Nalimutan ko ang kanyang pag-iisa, ang kaniyang kalumbayan, ang mabagal na paraan ng pag-akit at pagtiyak sa kanyang siya’y mahalaga at minamahal.

Nang hapong iyo’y hindi siya nagpadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan. Nguni’t siya’y nagtungo sa huling upuan upang kunin ang aking tsinelas, upang paghiwalayin ang mga iyon at upang itapat sa aking mga paa. Nagtungo siya sa tindahang katapat upang ibili ako ng minindal at nagpaiwan siya upang likumin ang mga kagamitan sa paglinis at upang ayusin ang mga iyon sa lalagyan sa sulok. Pinagpantay-pantay rin niya ang mga upuan sa bawa’t hanay, gaya nang kanyang kinamishasnan. Nguni’t hindi siya tumingin sa akin minsan man lamang nang hapong iyon.

Naisip ko: Napopoot siya sa akin. Sa munti niyang puso’y kinapopootan niya ako ng pagkapoot na kasintibay ng pagmamahal na iniukol niya sa akin nitong mga huling buwan. Ang isa mang batang namulat sa pag-iisa at sa kalumbayan ng pag-iisa’t kawalan ng pagmamahal ay makadarama rin sa kawalan ko ng katarungan. Ngayo’y paalis na siya, ang naisip ko nang may kapaitan sa puso. 

Tumagal siya sa pagpapantay sa mga upuan. Na tila may binubuong kapasiyahan sa kaniyang loob.

Nagtungo siya sa pintuan at ang kaniyang mga yabag ay mabibigat na tila sa isang matandang pagod. Sa loob ng maraming buwan, ngayon lamang siya hindi lumingon upang magsabi ng, “Goodbye, Teacher.” Lumabas siya nang tahimik at ang kaniyang mabibigat na yabag ay lumayo nang lumayo.

Ano ang ginawa kong ito? Ano ang ginawa kong ito? Ito ang itinanong ko nang paulit-ulit sa aking sarili. Napopoot siya sa akin. At ito’y sinabi ko rin nang paulit-ulit sa aking sarili.

Bukas… Marahil, kung pagpipilitan ko bukas…

Biglang-bigla, ang maitim at pipis na mukha ng bata’y nakita ko sa pintuan. Ang mga mata niyang nakipag-salubungan sa aki’y may nagugulumihanang tingin. “Goodbye, Teacher,” aniya. Pagkatapos ay umalis na siya.
Nagbalik siya upang sabihin iyon sa akin.

Kung gaano katagal ako noon sa pagkakaupo ay hindi ko na magunita ngayon. Ang tangi kong nagugunita’y ang pagpapakumbaba ko sa kalakhan ng puso ng munting batang yaon, sa nakatitinag na kariktan ng kanyang kaluluwa. Nang sandaling yaon, siya ang aking naging guro.

No comments:

Post a Comment