Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi
nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang
una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag,
sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw
ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng
mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungan sa kanya ko
lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay.
Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya,
nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang
anyo… at sa kanyang buhay…
Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon.
Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin. Mula sa kanyang pananamit
hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang
masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung
siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang
pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan,
at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip,
iyon ay naging salamin ng uri ng paniniwala sa buhay.
“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y
magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito…
Mabuti… Mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng
anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang lumuluha; nang hapong iyo’y
iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa
pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng
paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng
silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya
ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang
ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin .. mabuti sana
kung makakatulong ako.”
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik
pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang
pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng
hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako
na napaupong bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako
upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko
sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya
pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig
ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siya
nang pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa
pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa
gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam
ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang
panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho
iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na … iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga
salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala
ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang
suliranin.. kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana
sa iyo ang … buhay.”
Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin
mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong,
sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa
paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang
mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,..
“Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa
silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o
mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko
kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong… aming dalawa…
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon
tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan
sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang
taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang
aming isipan at ng mga tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti
ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa panitikan ay naging isang
pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga.
Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking
sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming
aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos
na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa
sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala.
Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa
kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang
kabuluhan.
Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa
kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit
siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang
paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama
ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na
siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at
pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa
amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang
nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang
nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba ang pagkatakot niyang baka
siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa
aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang
mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon.
Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon
pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.
Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang
tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking
lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga
handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y
magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang
kanyang anak- at isang mabuting manggagamot.
Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro
nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng
batang lalaki. At siya’y nagsalita.
“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit
tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa
kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase
ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan.
Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya
sa buhay niya. Malisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking
luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko
sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa
niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng
dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan
siyang isang taong man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon;
ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang
sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa
kanyang mukha.
Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko
makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang
panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin
nitong Fe-lyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring
makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating
aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon
na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking
mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon,
habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa.
At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na
kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.
At minsan pa, nang umagang iyon, habang
unti-unting bumabalik ang dating kulay ng kanyang mukha, muli niyang ipinamalas
ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang karikatn ng
katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay. At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan
buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na
iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din
balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang
bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang
lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay
naunawaan ko ang lahat.
No comments:
Post a Comment