Monday, May 19, 2014

Bangkang Papel

Nagkatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang pinakahihintay nilang araw mula nang magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam nilang kapag iyo’y nagpatuloy sa loob ng tatlong araw ang lansangang patungo sa laruan ay lulubog. At ngayon, ay ikalimang araw nang walang tigil ang pag-ulan.

Ilang maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang tinatangay ng tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.

Sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang sa tubig kailanman...

Isang batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na nakagugulat.
Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon ding malalakas na ugong ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita niyang noon ay wala nang ingay na pumapatak mula sa kanilang bubungan.
 
Sa karimla’t pinalaki niya ang dalawang mata, wala siyang makitang ano man maliban sa isang makitid na silahis. Hindi niya malaman kung alin ang dagundong ng biglang pumuno sa bahay ang biglang pagliliwanag. Gulilat siyang nagbalikwas at hinanap nang paningin ang kanyang ina.
 
Nagsunud-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang bubungan. Ang paggulong ng mga iyo’y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim ng bahay, ng pagliliwanag na muli. Samantala’y patuloy ang pagbuhos ng ulan sa kanilang bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako.
 
Muling nahiga ang nagbalikwas at ang tinig niya ay pinatalagos sa karimlan.
“Inay, umuulan, ano?”
“Oo, anak, kangina,” anang tinig mula sa dulo ng hihigan.
“Inay,” ang ulit niya sa karimlan, “dumating na ba ang Tatay?”
 
Sumagot ang tinig ngunit hindi niya maunawaan. Kaya’t itinaas niya nang bahagay ang likod at humilig sa kaliwang bisig. Sa kanyang tabi;y naroon ang kapatid na si Miling. Sa tabi nito’y nabanaagan niya ang katawan ng ina, at sa kabila naman nito’y nakita niya ang banig na walang tao.
 
Ibinaba niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang sigis ng lamig ng kanyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni milng ay hinila niya ang kumot at ito’y itinakip sa sariling katawan. Bahagyang gumalaw ang kapatid, pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya kay Miling kaya’t ang kalahati ng kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya’y namaluktot sa nalabing kalahati.
 
Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa kanyang likod. Inilabas niya ang kanag kamay sa kumot at kinapa ang banig hanggang sa maabot niya ang sahig.
Anong lamig sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling ipinasok muli sa kumot.
 
“Inay,” ang tawag niyang muli, “bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?”
“Ewan ko,” ang sagot ng kanyang ina. “Matulog ka na, anak, at bukas ay magpapalutang ka ng mga bangkang ginawa mo.”
Natuwa ang bata sa kanyang narinig.
Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t matitibay...hindi masisira ng tubig.
 
Dali-dali siyang nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng kapatid at ng kanyang kausap. Idinaan niya ang kanyang kamay sa pagitan ng baywang at bisig ng ina. Naramdaman niya ang bahagyang pag-aangay ng kaliwang bisig niyon. Ang kanang kamay noo’y ipinatong sa kanyang ulo at pabulong na nagsalita:
 
“Siya, matulog ka na.”
 
Ngunit ang bata’y hindi natulog. Mula sa malayo’y naririnig niya ang hagibis ng malakas na hangin. At ang ulang tangay-tangay noon.
 
“Marahil ay hindi na uuwi ang Tatay ngayong gabi,” ang kanyang nasabi. Naalala niyang may mga gabing hindi umuuwi ang kanyang ama.
 
“Saan natutulog ang Tatay kung hindi siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa kanyang ina. Ngunit ito’y hindi sumagot.
 
Sinipat niya ang mukha upang alamin kung nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa karimlan ay hindi niya makita.
 
Bago siya tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang balintataw ay ito. Tatlong malalaking bangkang yari sa papel na inaanod ng baha sa kanilang tapat...
 
At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-hulihang pangrap ng batang yaon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay na pawid ay patuloy sa pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik at pag-uumugong, sa pagbabata ng walang awing 
hampas ng hangin at ulan...
 
Ang kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay dumating... 

Ngunit kakaibang kinabukasan.
 
Pagdilat ng inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa hihigan. Naroon ang kumot at unan ni Miling at ng kanyang ina.
 
Pupungas siyang bumangon.
 
Isang kamay ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng paningin ay nakitang yao’y si Aling Berta, ang kanilang kapitbahay.
 
Hindi niya maunawaan ang tingin noong tila naaawa.
 
Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang ulirat.
Naroon ang asawa ni Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Alng Ading, si Feli, at si Turing, si Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao.
Nahihintakutang mga batang humanap kay Miling at sa ina. 

Sa isang sulok, doon nakita ng batang lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang kandungan ay nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay walang tigil na hinahaplus-haplos ng kanyang ina.
 
Ang mukha ng kanyang ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa rati. Ngunit ang mga mata noo’y hindi pumupikit, nakatingin sa wala.
 
Patakbo siyang lumapit sa ina at sunud-sunod ang kanyang pagtatanong. “Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?”
 
Ngunit tila hindi siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo’y patuloy sa hindi pagsikap. Ang kamay noo’y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling.
Nagugulumihang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila’y biglang natigil nang siya’y makita.
 
Wala siyang narinig kundi... “Labinlimang lahat ang nangapatay...”
 
Hindi niya maunawaan ang ang lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang anasan. Ang ayos ng kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita.
Sa pagitan ng mga hikbi, siya’y patuloy sa pagtatanong...
 
“Bakit po? Ano po iyon?”
 
Walang sumasagot sa kanya. Lahat ng lapitan niya’y nanatiling pinid ang labi. Ipinatong ang kamay sa kanyang balikat o kaya’y hinahaplos ang kanyang buhok at wala na.
 
Hindi niya matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao.
 
“Handa na ba kaya?” anang isang malakas ang tinig.

“Ngayon din ay magsialis na kayo. Kayo’y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang maiiwan, isa man. Bago lumubog ang araw sila’y papasok dito... Kaya’t walang maaaring maiwan.”
 
Matagal bago naunawaan ng bata kung ano ang nagyari.
 
Sila’y palabas na sa bayan, silang mag-iiba, ang lahat ng kanilang kapitbahay, ang maraming-maraming tao, at ang kani-kanilang balutan.
 
Sa paulit-ulit na salitaan, sa sali-salimbayang pag-uusap ay nabatid niya ang ilang bagay.
 
Sa labinlimang nangapatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama...sa labas ng bayan...sa sagupaan ng mga kawal at taong-bayan.
 
Nag-aalinlangan, ang batang lalaki’y lumapit sa kanyang ina na mabibigat ang mga paa sa paghakbang.
 
“Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?”
 
Ang mga bata noong nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na lumapit sa kanyang mukha. Pagkatapos, sa isang tinig na marahang-marahan ay nagsalita.
 
“Iyon din ang nais kong malaman, anakm iyon din ang nais kong malaman.”
 
Samantala...
 
Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na kanyang tahanan ay nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan.
 
Ang gabing yaon ng mga dagundong at sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at ng mga bangkang papel – ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit lamang tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng pangamba at ng mga katanungang inihahanap ng tugon.
 
Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman...

Ang Kwento ni Mabuti

Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungan sa kanya ko lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay…
Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salamin ng uri ng paniniwala sa buhay.
“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin .. mabuti sana kung makakatulong ako.”
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na … iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin.. kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang … buhay.”
Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong… aming dalawa…
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga.
Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.
Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.
Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak- at isang mabuting manggagamot.
Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.
“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan.
Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang taong man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-lyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.
At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng kanyang mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang karikatn ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay. At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.

Sunday, May 18, 2014

Paglalayag sa Puso ng Isang Bata

Binata na siya marahil ngayon. O baka ama na ng isang mag-anak. Ito ay kung nakaligtas siya sa nakaraang digmaan…nguni’t ayaw kong isiping baka hindi. Sa akin, siya’y hindi magiging isang binatang di-kilala, isang ama, o isang alaala kaya ng Bataan. Sa akin, siya’y mananatiling isang batang lalaking may kaliitan, may-kaitiman at may walong taong gulang.

Pagkaraan ng daan-daang tinuruan, mga sumipot, nanatiling saglit, at lumisan pagkatapos, pagkaraan ng mga taong ang ila’y nagdumali, ang ila’y nagmabagal at ang ila’y nakintal sa gunita, buhay na buhay pa sa aking isipan ang kaniyang mukha at ang kaniyang pangalan. Nguni’t ang buhay sa lahat ay ang isang bagay na itinuro niya sa akin, isang araw, nang siya ang aking maging guro, at ako ang kanyang tinuruan.
Isa siya sa pinakamaliliit sa klase. At isa rin sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tingnan lamang iyo’y mahahabag na sa kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon siyang kakatuwang “punto” na nagpapakilalang siya’y taga-ibang pook.

Nguni’t may isang bagay na kaibig-ibig sa munti’t pangit na batang ito, kahit sa simula pa lamang. Nagpapaiwan siya tuwing hapon kahit hindi na siya hilingan nang gayon. Tumutulong siya sa mga tagalinis at siya ang pinakamasipag sa lahat. Siya rin ang pinakahuling umaalis: naglilibot muna sa buong silid upang pulutin ang mga naiiwang panlinis. Lihim ko siyang pinamamasdan habang inaayos niya ang mga ito sa lalagyan, ipinipinid, at pagkatapos ay magtutungo sa likod ng mga hanay ng upuan upang tingnan kung tuwid ang bawa’t isa. At sa pintuan, lagi siyang lumilingon sa pagsasabi ng, “Goodbye, Teacher!”

Sa simula, pinagtakhan ko ang kaniyang pagiging mahihiyain. Nakikita ko siyang gumagawa nang tahimik at nag-iisa—umiiwas sa iba. Paminsan-minsa’y nahuhuli ko siyang sumusulyap sa akin upang bawiin lamang agad ang kanyang paningin. Habang tinatanaw ko siya tuwing hapon, pinakahuli sa kaniyang mga kasamahan, ay naiisip kong alam na alam niya ang kaniyang kapangitan, ang kakatuwang paraan ng kanyang pagsasalita.

Unti-unti kong napagdugtung-dugtong ang mga katotohanan tungkol sa kanyang buhay. Payak ang mga katotohanan: siya’y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas sa malaking lungsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa paaralan upang may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang anak ng kanyang panginoon.

Isang mabagal na paraan: ang pag-akit na iyon sa kaniya at ang pagtiyak na siya’y mahalaga at sa kaniya’y may nagmamahal. Napasuot na siya sa mga kaguluhang bahagi ng buhay ng bawa’t bata. Nanukso na siya sa mga batang babae. Lalo siyang naging malapit sa akin. Lalo siyang naging maalala at mapagmahal. Maligaya na siya.

Isang araw, nangyari ang hindi inaasahan. Sa paglingon ko sa mga taong nagdaa’y naaamin ko sa sariling ang lahat nang iyo’y aking kasalanan. Mainit noon ang aking ulo,umagang-umaga pa. At ang hindi dapat gawin ay aking ginawa— napatangay ako sa bugso ng damdamin. Hindi ko na magunita ngayon kung ano ang ginawa ng batang iyon na aking ikinagalit. Ang nagugunita ko lamang ngayon ay ang matindi kong galit sa kanya, ang pagsasalita ko sa kaniyang ipinanliit niya sa kanyang upuan. Nalimutan ko ang kanyang pag-iisa, ang kaniyang kalumbayan, ang mabagal na paraan ng pag-akit at pagtiyak sa kanyang siya’y mahalaga at minamahal.

Nang hapong iyo’y hindi siya nagpadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan. Nguni’t siya’y nagtungo sa huling upuan upang kunin ang aking tsinelas, upang paghiwalayin ang mga iyon at upang itapat sa aking mga paa. Nagtungo siya sa tindahang katapat upang ibili ako ng minindal at nagpaiwan siya upang likumin ang mga kagamitan sa paglinis at upang ayusin ang mga iyon sa lalagyan sa sulok. Pinagpantay-pantay rin niya ang mga upuan sa bawa’t hanay, gaya nang kanyang kinamishasnan. Nguni’t hindi siya tumingin sa akin minsan man lamang nang hapong iyon.

Naisip ko: Napopoot siya sa akin. Sa munti niyang puso’y kinapopootan niya ako ng pagkapoot na kasintibay ng pagmamahal na iniukol niya sa akin nitong mga huling buwan. Ang isa mang batang namulat sa pag-iisa at sa kalumbayan ng pag-iisa’t kawalan ng pagmamahal ay makadarama rin sa kawalan ko ng katarungan. Ngayo’y paalis na siya, ang naisip ko nang may kapaitan sa puso. 

Tumagal siya sa pagpapantay sa mga upuan. Na tila may binubuong kapasiyahan sa kaniyang loob.

Nagtungo siya sa pintuan at ang kaniyang mga yabag ay mabibigat na tila sa isang matandang pagod. Sa loob ng maraming buwan, ngayon lamang siya hindi lumingon upang magsabi ng, “Goodbye, Teacher.” Lumabas siya nang tahimik at ang kaniyang mabibigat na yabag ay lumayo nang lumayo.

Ano ang ginawa kong ito? Ano ang ginawa kong ito? Ito ang itinanong ko nang paulit-ulit sa aking sarili. Napopoot siya sa akin. At ito’y sinabi ko rin nang paulit-ulit sa aking sarili.

Bukas… Marahil, kung pagpipilitan ko bukas…

Biglang-bigla, ang maitim at pipis na mukha ng bata’y nakita ko sa pintuan. Ang mga mata niyang nakipag-salubungan sa aki’y may nagugulumihanang tingin. “Goodbye, Teacher,” aniya. Pagkatapos ay umalis na siya.
Nagbalik siya upang sabihin iyon sa akin.

Kung gaano katagal ako noon sa pagkakaupo ay hindi ko na magunita ngayon. Ang tangi kong nagugunita’y ang pagpapakumbaba ko sa kalakhan ng puso ng munting batang yaon, sa nakatitinag na kariktan ng kanyang kaluluwa. Nang sandaling yaon, siya ang aking naging guro.